Source: reuters.comLibya on my mind. Today is also the anniversary of US’ unwanted interventionist war on Iraq. No blood for oil!
Libya (V)
Ngayong gabi,
maisusulat ko ang pinakamalungkot na tula.
Isusulat ko ito,… siguro, sa ganito:
Kagabi,
hindi nagpakita ang supermoon,
nagpakipot si kolokoy.
(Napurnada ang matamis na dila ng mangingibig?)
Sa kabilang kanto,
wala sa tono ang boses ng nagvi-videoke
ng “Walk Away” ni Matt Monroe.
Sa kapitbahay, nababasag
ang katahimikan, may tandang pananong
ng sumasabog na pinggan.
Maisusulat ko
ang pinakamalungkot na tula ngayong gabi.
Isipin na lamang:
Ngayong Marso 20 ay bumanat sa Libya
ang US, Inglatera, at Pransya.
Ito din
ang panahong kinubkob nila ang Iraq.
Ilang hamog sa gabi’t umaga ang pumatak,
kasabay na tumangis sa luha ng ina’t kanyang anak?
Ilang sanggol ang inagawan ng idlip sa kuna?
Ang bayang nagrerebelde ay dapat handa.
Hindi yung tatawag ng dayuhang kamay at kalinga.
Napakaiksi ng bisig ng pag-ibig;
Madaling makalimot sa punyal
na tumarak sa damdamin at sa puso’y bumikig.
Sa malayo.
May lumalapit.
Ang malayo
Ay lumalapit.
Hindi ko na iniibig ang daigdig.
Marahil iniibig ko pa rin siya.
Kaya siguro ako tumutula.
Kaya ako tumutula.
At hindi ito ang huling tula
na iaalay ko sa kanya.
- by: Richard Gappi
9:39PM, Linggo, 20 Marso 2011
Angono, Rizal, Pilipinas



